Wednesday, April 9, 2008
...may tanong ka ba...?
dalawang website na maaaring maging interesado kang tingnan:
satotootayo@gmail.com - email ad pala to. isang mailing list na kung gusto mo eh salihan mo para di ka nahuhuli sa balita, san ang mga susunod na misa, mei pagkilos bang magaganap, at kung anung nangyari noong huling misa o pagtitipon.
bethechange.ph - kung mei tanung ka man kei jun lozada, mei forum dito na maaari mong pagtanungan, at di tulad ng celebritxt ng mga cellphone, si uncle jun mismo ang sasagot sa inyong mga katanungan.
maaaring mei mali, pero tutulungan ka naman siguro ni pareng google. mei isa pa eh, coalition against corruption, di ko lang alam kung mei website sila o mailing list rin lang... confirm ko pa...
Monday, April 7, 2008
...Pilipino, nasa'n ka?...
May Multiply ka. Ibig sabihin, kahit papaano, meron kang paraan para makagamit ng internet. Ibig sabihin, lamang ka sa ilan pang libong Pilipino na ni hindi pa nakakahawak ng computer sa tanangbuhay nila.
Malamang, kabilang ka sa middle class. Marami sigurong maaaring maglarawan sa middle class. Maaaring ito ang mga taong may kaya, mga taong nakakakain naman ng tatlong beses isang araw, mga taong may tinutuluyang bahay at sariling kotse, mga taong paminsan minsa'y nakakalabas para magpalamig sa mall o manood ng sine. Maaari din namang sila ay ang mga taong nasa gitna lagi ng lahat ng isyu. Mayroong mga "leftist" kung tawagin na di sang-ayon sa gobyerno, ang administrasyon naman ang panig ng gobyerno. Ang middle class ay ang nasa gitna: walang pinapanigan.
Pero sa panahon ng tagumpay, sino ang mga taas noong nagsasabi na Pilipino sila? Ang middle class din. Nang magtagumpay ang mga Pilipino nang mapatalsik ang diktaturya ni Marcos, middle class ang nasa "gitna" ng mga pangyayari. Nang mapatalsik, natulog muli ang middle class. Ginising lang marahil muli nang patalsikin si Erap. Hindi ang konting mayaman sa bansa, hindi ang milyon-milyong masang Pilipino, kundi ang middle class, ang nagtipon noon upang maiparinig ang kanilang saloobin, upang iparating na wala nang moral na kapasidad ang presidenteng Erap upang mamuno sa bansa.
Sa madaling sabi, sino ba ang middle class? Diyata'y ito ang mga taong nakikisakay sa siguradong tagumpay, ngunit hindi kikilos sa panahong ginagawa pa ang kalsada patungo sa tagumpay. Pare-parehong tanong ang ibinabato ng middle class bago sila kumilos: Sino ang papalit? Bubuti ba ang buhay pag pinalitan natin ang pangulo ngayon? Alam kong hindi na maganda ang pinaggagagawa ng presidente sa bansa natin, pero anu pa ba ang dalawang taon na lang na pag-aantay?
Sa panahon ngayon ipinapalabas na may rice shortage sa bansa. Tila kasalanan ng gobyerno kung tutuusin. Tila ikagagalit ng mga Pilipino na pati ang bigas na nasa hapag kainan nila araw-araw ay tumataas na rin ang presyo ng husto. Pero sa totoo, wala namang rice shortage sa bansa. Nililihis nito ang atensyon ng mamamayang Pilipino sa isyu ng korupsyon na dumidiin sa administrasyong Arroyo. Sabagay, bakit mo nga ba naman papansinin ang isyu ng korupsyon, na alam mo naman mula't sapul na meron, pero di direktang naaapektuhan ang buhay mo, samantalang ang presyo ng bigas na direktang nakakaapekto sa buhay mo eh nagtataas araw araw. Ngayon, pag humupa na ang isyu sa bigas, dahil ilalabas ng gobyerno ang itinago nila sa publiko, kahit paano eh gagaan ang loob ng mamamayan sa gobyerno dahil nagawan nila ng paraan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas kahit na ito'y isang "pandaigdigang krisis".
Sinabi ng tito ko kahapon sa misa na ang karamihan ng Pilipino ay dasal ng dasal sa Diyos na sana tumama sila sa Lotto, pero di naman sila tumataya. Siya ngayon ay nakataya na. Hinihikayat nya ang iba pa na makitaya rin naman at huwag lamang makisakay.
Bilang parte ng middle class, sa kung anu mang depinisyon naibigay na, uupo ka na lang ba at maghihintay na mei biyayang mangyari? Hindi ko rin alam kung paano matatapos itong gulong to, pero hindi rin naman ito matatapos kung hindi susundan ang mga nasimulan. Kayo, hindi, tayong nasa middle class ang isa sa pinakamaimpluwensyang pwersa sa bansang ito. Pag kumilos tayo ay siguradong may mararating tayo. Pero hangga't uupo lang tayo at maghihintay ng biyaya, pare-pareho lang tayong madurusa.
Sa mga pinaggagagawa kong ito sa multiply, sa pagbblog at pagreply sa kung saan saan, marami akong biglang nakilala. Hindi ako nagrereklamo, natutuwa ako at kahit paano, nararamdaman kong may namamalasakit para sa amin, sa kapakanan ng tito ko, pero higit sa lahat, eh nagmamalasakit para sa bansa. Ilan sa mga nakilala kong ito, nakausap ko na, at napagkasunduan naming kailangan pa namin ng tulong. Isang pagtitipon ang napagpasyahan naming idaos upang marinig ang panig ng "middle class' sa sitwasyong ikinahaharap ng bansa natin ngayon. Pero sana hindi ito maging una't huling pagtitipon.
Nais ko rin sanang iparating na hindi ako parte ng kahit anong grupo. Nananatili akong sarili kong pagkatao, pamangkin ni Jun Lozada, anak ni Arturo Lozada, simpleng taong graduate ng UST, nagtatrabaho para makapag-ipon sa di nalalayong hinaharap. Hinihikayat ko ikaw na nagbabasa nito, at kung sino pang kaibigan mo, na dumalo sa pagtitipong ito, hindi para maging parte ng isang aktibistang grupo, hindi para hingan ng pantustos, hindi para pumirma ng kontrata, kundi para lamang marinig ang tunay na pulso ng middle class. Para naman hindi magmukhang survey sa TV ang persepsyon namin sa middle class.
Mangyayari ang pagtitipon sa Institute of Political Studies sa #111-D Malakas St. Quezon City (sa mei Philippine Heart Center) sa April 19, mga alas-dos ng tanghali.
Magtulungan tayong kumilos. Iparinig ninyo ang nasa isip ninyo.
Tumaya naman tayo.