May mga bagay na gustuhin man natin o hindi, tila naka-imprint na sa pagkatao natin. Marahil dala ng pagpapalaki sa tin, marahil sa kapaligirang nakagisnan natin, marahil sa mga kaibigang nakakasama natin parati. Pero may mga bagay na magkaiba man ang mga pangyayari sa buhay natin, ay mei pagkapare-pareho pa rin sa tin sa kadahilanan lamang na Pilipino tayo.
Ito ang ilan sa mga bagay na napansin kong hindi nawawala sa ating mga Pilipino saan man sa mundo, kahit paano pa pinalaki ng magulang. Mga bagay na pinakikialaman ko habang pinapanood ang mga tao sa paligid.
"Kain tayo"
Likas sa atin ang isali ang mga tao sa paligid sa kung ano ang ginagawa natin. Ilang beses na rin ako naaya ng mga taong kumakain para saluhan sila. Napadaan ka habang kumakain sila, bigla kang aayain nang "kain tayo!" na kala mo naman buffet yung nasa harap nila. Madalas, baon naman o sariling order ng pagkain ang meron ang meron sa harap nila.
Alam kong nagmamagandang loob lang, at nagpapaka-Pilipino lamang sila. Pero minsan ko na rin naisip na mang-trip lang at makikain talaga. Makihati nga ako sa kinakain nila.
"Malapit na ko"
Dito sa Pilipinas ang ibig sabihin dapat ng "malapit" ay maaaring abot-kamay, dalawang tumbling, o ilang kandirit na lang. Pero madalas, ang katagang "malapit na ko" ay ginagamit lamang para manlinlang ng tao upang di masyadong mainip sa kakaantay.
Meron kasing tinatawag na "Filipino Time" o ang oras na tayong mga Pilipino lang ang nakakaintindi. Basta sigurado, ang oras na ito ay hindi eksakto sa tinakdang oras. Sa mga hindi pa nakakakintindi nito, o kung negatibo ang dating ng katagang "Filipino Time", mas mainam nga namang sabihing "malapit na ako".
"Basta libre, pwede!"
Nakapagtataka na para sa isang mahirap na bansa, sobrang daming mamamayan ang bukas-loob na gagastos, lalo na pag may sale. At pag may libre, asahan mong dudumugin yan kahit ano pa man yan.
Likas sa ating mga Pilipino ang maghanap ng "free taste" sa mga grocery, o di kaya'y mga sale sa kung saan saan, na tila isang beses lang mangyayari sa buhay ng tao ang sale na yun. Kaya nga lumalakas ngayon ang mga website na nagbibigay ng mga sale, tulad ng DealGrocer at Ensogo.
"Ikaw ang boss ko"
Kilala ang katagang binitawan ni P-Noy noong unang SONA nya. Tayong mga mamamayan daw ang boss nya. Parang bago sa mga pandinig natin, pero di ba totoo naman para sa karamihan ng mga Pilipino?
Kakain ka sa restaurant, ang tawag mo sa waiter, "boss". Magbabayad ka sa jeep, ang sasabihin mo eh "boss, bayad po". Tatanong sa sikyo ng direksyon, "boss, san po ba dito yung.."
Meron ba tayong inferiority complex na tila lahat na lang ng tao sa paligid eh "boss" natin?=P
Ang Walang Lamang "Kamusta"
Ano ba ang salitang Pilipino sa Ingles na "Hi"? Tila "kamusta?" ang nagiging katumbas nito. Nakakatawa lang minsan kasi, wala ka naman talagang interes na kamustahin ang tao, gusto mo lang siyang batiin. Pero dahil Pilipino ka, nasasabi mo na lang bigla ang "kamusta?"
Madalas, ang unang nasasagot ng nasabihan nito ay "ito.." na tila hinahayaan ang kausap na husgahan na kung anong tingin nya sa kalagayaan ng taong kinumusta. Walang tama o maling sagot. "Hi" lang ang gustong sabihin, simpleng ngiti, onting kaway, posibleng beso, pero wala lang naman; gusto lang nyang ipaalam sa iyo na kilala ka pa rin nya.
Pero minsan, parang trip kong kwentuhan ng buhay ko yung biglang magsabi nyan. Yung tipong, makasalubong ko sa mall habang nagmamadali siya, tapos kakamayan ko pag sinabi nyang "kamusta?" sabay kwento ng mala-teleseryeng kwento ng buhay ko nung mga nakalipas na araw. Tingnan ko lang kung di siya matutong mag-"hi" na lang sa susunod.
Eto naman ang karugtong ng tanong na "kamusta?". Natural lang sa atin ang mangamusta sa ating mga kaibigang matagal na nating hindi nakikita. Ngunit hinding hindi naman mawawala sa kamustahan ang unang bati: "tumataba ka na ah!" Pag mga bata naman ang pinag-uusapan, ang unang nasasabi ay "ang laki laki mo na!" susundan pa ng "parang kelan lang, karga karga lang kita, ngayon.."
Tila ata may hilig tayong mga Pilipino na pansinin ang mga bagay na kapansin pansin naman, o di kaya'y obvious na. Siyempre lalaki na lang yung bata, sa alanganamang lumiit pa yan? Eh kung patpatin yung tao nung huli mong nakita, sa alanganamang pumayat pa lalo yan sa susunod ninyong pagkikita? Pucha yung mataba nga minsan nasasabihan pang "tumataba ka ah!" dahil lang sa habit ng pagbati ng pagtaba ng tao eh.
Suggested Answers:
1. Kaw din!
2. Yumayaman eh. May pang-kain.
3. Tapos na ko lumaki ng pahaba, palapad naman.
*Hindi sinama sa suggested answers ang posibleng sagutin ng bata. Masamang ehemplo ang pinapakita natin kung turuan na silang sumagot sa murang edad.
"Mind your own business"
Ito siguro ang isa sa mga katagang hindi naman talaga pwede sa ting mga Pilipino. Kahapon lang, habang naghihintay magsimula ang misa sa Padre Pio, may nagbubukas ng pintuan at medyo maingay. Ang mga tao naman sa paligid ko, tingin ng tingin sa pintuan na tila tatahimik ang mundo pag nakatingin sila.
Ilang aberya na ba meron sa kalsada ang nakita mo na pinagkaguluhan ng mga "usi" kung tawagin natin? May nagsisigawang mag-asawa, mei magkukumpulang tao. May nasiraan ng kotse, magkukumpulan ang tao. May umiiyak na bata, may magkukumpulang tao. Sa 10 tao na magkukumpulan, 5 lang ang magtatanong, at siguro, 2 lang ang tutulong, pero isa lang marahil ang makatulong talaga.
Tapos nagtataka ka pa kung bakit kasali sa pambansang balita ang "Chika Minute" at "Showbiz Patrol" na tila nakasalalay ang progreso ng bansa sa susunod na ka-love team ni John Lloyd.
Kung iniisip mo na hindi ka interesado, pwes... Akala mo lang yun.
"Babay na talaga."
Ang pagpapaalam siguro ang pinakamahirap na gawin nating mga Pilipino. Pag nagkikita kita, madalas ay matinding paalamanan muna bago kayo tuluyang magkahiwa-hiwalay. Halimbawa, bumisita ka sa bahay ng kaibigan. Tapos, magpapaalam ka na. Nariyan na ang beso, ang kamayan, ang tawanan, ang "next time ulit", ang pasalamatan, at kung ano ano pa. Nandun pa rin kayo sa pwesto nyo, pero nakatayo na kayo. Pag mei nakapansin, sisimula na ang paglalakad palabas. Siyempre bilang maybahay, ihahatid ka nila palabas. Pagdating sa labas, mei kwentuhan pa rin na pahabol. Tapos pag medyo nakatagal tagal nanaman, mei papansin nanaman nyan, at saka lang tuluyang makakaalis.
Sige, sabihin mo sa kin na mabilis ka lang magbabay. Kita tayo.=P
==================================================================
Ito'y mga bagay na di ko naman pinipigilan. Dahil di naman kaya, bilang mga Pilipino tayo. Di ko rin naman kinukutya dahil minsan mei mga nagagawa din ako dyan. Pinapansin ko lang at sinusulat. Pakialamero kasi ako.:P