Wednesday, February 13, 2008

Tapos, Ano Na?

[Tagalog naman. Maiba. Ayoko kasi gumawa ng ganito sa Tagalog kasi parang masyadong radikal. Hindi naman ako aktibista. Pero sa pagkakataong ito, gagamitin ko ang makapangyaring wikang Pilipino.]

 

Nakibasa ako ng isang pahayag tulad nito, naglalabas lang ng nasasaisip, tulad ko. Naiintindihan ko naman ang nararamdaman nya. Sa ibang pagkakataon, kung hindi mismong tiyuhin ko ang naroon sa gitna ng senado, siguro hindi ko rin ginagawa to. Siguro, nakikikalat rin lang ako ng balita bilang tulong. Ito kasi ang pwede kong magawang tulong lalo pa sa kinalalagyan ko ngayon sa lipunan. Pero ang sigurado ko, kung hindi man tiyuhin ko ang nandoon, wala akong rally na sasamahan. Eh kaso tiyuhin ko nga, kaya ganito na lang ako ka-pursigido.

 

Sa normal na pagkakataon, ganun lang ako tatahimik. Magpapahayag ng mga nasasaisip ko, pero yun na lang tulong ko sa bayan. Kasi nakakasawa na ang makigulo sa mga tinitipong mga tao, wala naming nangyayari. Isang problema ang parating lumalabas: Walang siguradong mahusay na pinuno. Mahirap palitan ang gahaman at isugal sa isa pang gahaman. Gahaman si Erap, pinaboran ang kanyang mga kaibigan at naging talamak ang sugal, kumita siya ng husto. Pinalitan natin ng ekonomista (wala po ako sa EDSA noon, masaya akong walang pasok sa UST noong nagkakagulo ang mundo) na bise-presidente, na nagtataglay ng kilala at respetadong pangalang “Macapagal”. Lumalabas, tila nagkamali tayo. Noong una, yung gahaman eh kumita sa ilegal na paraan, ang sumunod eh kumita naman sa mga inuutang ng gobyerno. Mas masahol pa pala ang ipinalit natin. Sayang ang talino, pinakinabangan lang ng husto ng asawa niya ang kanyang posisyon, at sinira ang magandang pangalang dala niya. Ngayon, sino naman ang papalit? Isang dating pulis na nagsabing ayaw nyang pumasok sa pulitika pero ngayo’y nasa gitna ng imbestigasyon ng senado? Isang dating mambabalita na noo’y (sinasabing) kailangan ng matinding koneksyon o malaking halaga para lang mabigyan pansin ng programa nya? Isang pinunong nagtatawag ng “rebolusyong moral” ngunit patuloy na sumusuporta sa mismong taong inilantad nya ang baho?

 

Sa totoo lang, hindi ko alam. Sa totoo lang, tulad ng sinabi ko, sa ibang pagkakataon, hindi ako dadalo sa kahit na anong pagtitipon. Pero naisip ko, hindi rin naman tulad ng normal na pagkakataon ito. Ngayon lang naman nagkaroon ng saksi na hindi mukhang tangang nabibili. Ngayon lang naman nagkaroon ng saksi na umamin ng baho nya. Ngayon lang naman nagkaroon ng saksi na hindi tumiklop kahit na katabi lang nya ang mga taong mismong inaakusahan nya. Ngayon lang naman nagkaron ng saksi na kahit na takot para sa buhay niya eh tinuloy pa rin ang pagbaliktad sa mga mismong taong nagdala sa kanya sa posisyong kinalagyan nya noon.

 

Nakakatakot umulit, baka magkamali nanaman. Pero ano ba ang tama? Ilang eksperimento rin ang ginawa ng mga mahuhusay na mga dalubhasa para makarating sa isang mahusay na umiiral na produkto. Tulad nitong computer na ginagamit natin, nasisiguro ko na hindi sa isang gabing usapan lang ang natapos itong maging ganito. Noong unang lumabas ito, masaya na ang mga batang makakita ng mga larong tulad ng Scorched Earth o kaya Googlemath. Tapos nagkaroon ng kulay, masaya nanaman ang sangkatauhan sa mga maaaring magawa nito sa buhay nila. Pero lumabas pa ang laptop, na siya namang nagbigay daan na madala ang mga nagagawa sa computer kahit saan. Ang punto ko lang ay ito: hindi perpekto ang gagawin mo. Maari kang magkamali, suwerte kung tama. Pero lahat ay pwede pang ayusin. Kaya naman nagkakaroon ng tama eh dahil may konsepto rin ng mali (pwede rin namang kaya may mali kasi may konsepto ng tama, pero para sa usaping ito, ang una kong sinabi ang gagamitin ko, mahabang pagtatalo kung paguusapan natin ang pareho). Nagawa ang computer noon at tila malaking tulong ito, bagama’t maraming problema. Patuloy na inaayos ang mga problemang ito kaya hanggang ngayon eh may lumalabas pa ring iba’t ibang bago na tumutugon sa mga pagkukulang ng nauna. Oo, marahil sa pagtawag sa pagbaba ng pangulo ay magkamali ulit tayo pagdating ng panahon, pero nasa atin yun kung hahayaan nating magpagamit. Ang presidenteng nakaupo ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag kung bakit siya pa rin ang nakaupo dyan. Hindi malayo na kung sakali mang palampasin ulit natin ang pagkakatong ito at antayin na lang ang pagtatapos ng kanyang termino sa 2010 ay tuta pa rin niya ang papalit.

 

Opo, naiintindihan ko at nirerespeto ko na hindi solusyon ang paglabas sa kalsada upang ihayag ang saloobin at tawagin ang pagbaba ng pangulo. Sa paulit-ulit na ganitong pangyayari ay nawawalan na ng diwa ang rebolusyong nagbigay sa atin ng demokrasyang dinaranas natin ngayon. Pero kanino natin ihahain ang kaso ng pandarambong ng gobyerno? Sa kataas-taasang hukom, ang Supreme Court, kung saan namumuno rito ay isang hukom na kilalang kasangga ng pangulo at ayaw umalis sa kabila ng humihinang kalusugan at tila baluktot nang pangangatwiran (noong nakaraang eleksyon inamin ni Raul Gonzales na nagbigay siya ng “incentive” umano sa mga mayor ng kanyang probinsya kung mananalo ang mga kandidato ng administrasyon sa kanilang lugar. Pero hindi daw ito suhol)? Sa parehong hukom kung saan may mga abogadong sa pagkatao ang atake at hindi sa isyu?

 

Ayoko pong umalis ng bansa. Hindi ko rin naman sinasabing makabayan ako, ayoko lang. Pero ngayon, sa pagkakataong ito, naihayag na ang kailangang maihayag. Libo libo, maaring milyon pa, ang nagpapahiwatig ng kanilang suporta, pasasalamat, at mga dasal sa ginagawa ng tiyuhin ko. Pero marahil, higit sa kalahati nito ay iniisip ang iniisip ko rin. Sana po, isantabi nyo muna ang mga iniisip ninyo, tama na po ang pagmamasid, maaari na tayong kumilos. Wag na nating hintayin pa na makitang sobrang dami ng tao at unti unti nang tumitiklop ang mga opisyal ng gobyerno. Natatakot akong ang madatnan ko bukas sa pagtitipon ay ang parehong mga tao, mga aktibistang parating isinisigaw na bumaba na ang pangulo. Nais ko sana, makita kong nakurot ang mamamayang Pilipino, nais ko sanang makita na may mga Pilipinong nagmamalasakit pa sa bansang ito.

 

Ayoko ko pong sumuko. Ang tiyuhin ko, sa ating lahat lang kumukuha ng lakas ng loob. Bukas, nais nyang malaman kung sapat ba ang ipinaglalaban nya. Hindi na maibabalik ang dating buhay nya. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari pagkatapos ng gulong ito. Bukas, nais niya ring malaman kung handa rin ba ang mamamayang Pilipino na manindigan tulad ng paninindigan nya para sa mamamayang Pilipino.

 

Suklian po natin ng tapang ang tapang. Tulungan nyo po kaming manghimok ng tao na pumunta bukas… Nagpapasalamat kami sa lahat ng nagbibigay ng kanilang mga dasal, ngunit sabi nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Sabay sabay po tayong nagdarasal, sana po, sabay sabay rin tayong kumilos…

16 comments:

  1. siguradong maraming makikiisa.. ang nakakatakot lang ay yung mga kababayan natin mula sa probinsya na haharangin nanaman ng PNP(President's National Police) at AFP (Armed Forces of the President).

    ReplyDelete
  2. hello garci full tape




    siguro naman alam nyo kung ano merong "government" meron tayo..

    sila gloria and bigboy gagawin lahat para sirain si Lozada.

    DOJ eh PARTNER IN CRIME ni gloria yan.

    sama mo na yung chief PNP(Pahingi Ng Pera) na si Avelino Razon.

    buti nga at na alarm yung mga media nong nawawala si Lozada, kung hndi pinapatay na ni bigboy yan.

    ReplyDelete
  3. thanks voltaire. you're right. more than anything, it's not about me, it's about our country. oo, keso. pero there's no other way to put it. sana lang walang sakitan na maganap bukas.

    ReplyDelete
  4. fu***!

    nasa news may gustong pumatay daw kay gloria. tang*** ngayun nya lang nalaman.

    hndi lang may gusto, TALAGANG GUSTONG-GUSTO MAMATAY NA SYA!

    kahit ako gusto ko syang patayin.

    TAMA LANG MAMATAY NA YANG HAYOP NA YAN.

    ReplyDelete
  5. late ang comment ko pero magkokomento pa rin ako

    hindi pa siya dapat mamatay... mahinang parusa ang kamatayan sa kanyang mga kabulastugan... kailangan siyang mapahiya, mahatulan, saka patayin! hehehe (brutal ba)

    walang rebolusyonaryong grupo o militanteng magpaplano ng pagpatay sa kanya. gusto namin siya ng buhay. at nang mapahirapan. ;)

    ReplyDelete
  6. kailangan mo na sigurong tindigan ng may linaw ang usapin ng pagmamahal mo sa bayan kaibigan. ;)

    ReplyDelete
  7. yan ang hirap sa mayorya ng Pilipino... kikilos lamang sila kung sarili na nila ang mismong apektado. pero hanggat nakakakain pa sila ng lubos, tititigan lang nila ang mahihirap na hikahos. (parang ryhme).

    pero magandang simula yan, at least namumulat ka na. wag na nating balikan na sana nuon ka pa namulat. lets just look forward, sa madaming kamalayang ginising at kinurot ng uncle mo.

    kakampi kami ng pamilya ninyo, at sabi nga ng uncle mo--- iisa lang tayo ng pamilya dahil kapwa tayo PILIPINO.

    =)

    ReplyDelete
  8. parliament of the streets is a very strong weapon--- wag mo itong i-underestimate. at oo nawawalan ng diwa ang rebolusyon dahil ginagamit ang masa para dumami ang tao sa kalsada, pero sa pagpili ng susunod na pangulo, ang naghaharing uri pa rin ang nagpapasya. nagpapalitan lang ng pangalan at mukha pero nananatiling ang kapangyarihan ay nasa naghaharing uri. at hindi kailanman tunay na naibalik sa masa.



    (sa wari ko lang)

    ReplyDelete
  9. hehehe hindi lang aktibista ang may monopolya sa salitang tagalog. at aktibismo ang tawag sa anumang pagkilos para magkaruon ng positibong pagbabago sa lipunan, bagaman hindi ito sa kalsada.

    aktibista ang mga nagiingay sa kalsada, pero hindi lang iyon ang aktibismo. iyon at higit pa duon.

    at radikal naman ang kahit na anong lengguwahe-- subalit may espesyal na kurot ang lengguwaheng sariling iyo. kaya mas gumagamit ng TAGALOG para sa kapwa PILIPINO. mas naiintindihan, mas pumapasok sa puso.

    aktibista ka na din, kung hanggad mo ay positibong pagbabago sa lipunan. mali lang marahil ang konsepto mo sa simula-- na ang aktibista ay iyong nasa kalsada lamang.

    ;) maging aktibo. isulong ang aktibismo!

    ReplyDelete
  10. naguluhan ako sa pahayag mo eh kung magenglish ka na lang kaya hahaha. ;) peace kaibigan, kakampi mo ako.

    para mo kasing sinabi na ayaw mong makita ang mga aktibistang sumisigaw sa pagbaba ni tita GLUE, eh kung ganun pala eh anong inaasahan mo nuon? anong klaseng aksyon pagkatapos nilang makurot? at anong klaseng pagmamalasakit ang kailangan mong makita? hindi ba pagmamalasakit ang nagtutulak sa mga aktibistang ito na wala namang sahod pero nagpapapatak ng pawis, at nagpapapaos ng kanilang mga boses, at nagpupodpod ng kanilang mga paa kalalakad para isigaw ang pagbaba ng evil resident ng palasyo?

    naniniwala akong madaming nakakahiyang aktibistang sumira sa pangalan at ideolohiya ng aktibismo, pero hindi lahat ay ganuon, at madami ang hindi ganuon.

    ;) kagaya mo rin ako dati na may ligaw na pananaw ukol sa aktibismo. panahon at karanasan ang nagtuwid nito sa akin. yan din ang mga magtutuwid nito sa iyo.

    ReplyDelete
  11. sori naman.. hindi ko naman sinasabing ayoko makakita ng mga aktibista dun.. ang akin lang sa pahayag na ito, eh parang nandyan na na talagang mayroong mga aktibista sa pagtitipon, dahil nandoon naman talaga sila... ang kaso, gusto ko rin sana na ndi lang sila ang makikita ko, kundi iba pang tao, as in mga taong tulad ko na ndi naman talaga nagpupupunta sa mga ganoong pagtitpon...:p

    ReplyDelete
  12. hehehhe kagaya ko hindi din naman talaga ako pumupunta sa ganung pagtitipon, perstym ko ang dahil sa paglabas ng uncle mo ;) pero the moment na sumama tayo sa mga ganun ay aktibista na din tayo voltz--- dahil ang aktibismo--- ay ang aktibong pagkilos upang makagawa ng positibong pagbabago sa lipunan.

    kaya kahit ang kagaya natin kahit unang tungtong palang sa rally ay aktibista din.

    at kahit wala tayo sa rally o kalsada-- basta may aktibong pagkilos tayo upang makalikha ng positibong pagbabago sa lipunan-- ay aktibista na din tayo--- yun ang tunay na depinisyon ng aktibismong, nasira at winala na ng maraming nagpasaway na aktibista sa nakaraan ;)

    ReplyDelete
  13. ah, napaka-hypokrito ko naman kasi siguro kung sasabihin kong makabayan ako sa kadahilanan lamang na ayokong umalis ng bansa... tulad nga ng sinabi ko, ndi naman ako normal na aktibista, regular sigurong kumukutya sa gobyerno kapag mei balita pero ang mga pagkutyang to eh sa mga usaping kaibigan lamang at ndi naman sa kalsada, sa radyo o sa kung san anu pa mang ibang paraan na maaaring makapag-ingay nang sapat upang marinig mismo ng gobyerno ang nasasaisip ko... kung talagang makabayan ako, ndi lang ako kukutya kundi kikilos, pero kundi dahil sa dala ng relasyon ko sa gulong ito, eh marahil kumukutya pa rin ako ngunit ndi tulad nitong naghahanap ng paraan upang maiparating ang saloobin ko... kaya ayun, siguro mahal ko, siguro makabayan ako, pero ayoko lang i-claim dahil nakakabastos naman siguro ng onti sa mga tunay na makabayan....

    ReplyDelete
  14. hehehe tama, kaya ang hamon eh, makialam ka na talaga para maclaim mo na ding makabayan ka hehehehe ;)

    ReplyDelete
  15. nabasa ko nga sa isang post mo. kaya naisip ko, ako rin nga siguro...

    ReplyDelete