Friday, February 29, 2008

...nakakapagod na...

Yan ang madalas na binabanggit ng mga tao kung bakit ayaw nilang sumali sa mga rally, o sa kung anu mang pagtitipon ng mga tao. Minsan binigyan tayo ng pagkakataon magbago, EDSA Revolution, nag-iisa at natatangi. Pinalitan ang sistemang militar upang pairalin ang "demokratikong" sistema. Korupsyon ang naging bunga. Korupsyon na nais sanang tanggalin ng pagtitipon muli ng mga tao sa EDSA. Inakalang nakamit na ito dahil naglagay na ng isang edukadong presidente kapalit ng isang dating artista. Pero anung nakuha ng mamamayan? Pinagmumukhang tanga ng edukado ang mamamayang nawalan na ng pakialam.

Malakas daw ang ekonomiya ng Pilipinas, mataas ang halaga nito laban sa dolyar. Totoo. Pero kaya naman mataas ang piso dahil bumabagsak ang dolyar.

Tumataas daw ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa pangulo. Mataas ang ekonomiya dahil sa sobrang dami ng Pilipinong dismayado na sa bansa at nagdesisyong iwanan ito sa kabila ng kalungkutang mawalay sa pamilya, para lang kumita ng ipapakain sa kanila. Dahil dito lumalakas ang ekonomiya. Dahil sa mga makabagong bayani, ang mga OFW. Oo nga, siguro dahil sa pangulo kaya tumataas ang ekonomiya natin. Pero di sa paraang gusto nyang iparating.

May halaga raw ang mga Pilipino. Tumakbo ang isang tiyuhin(o lolo. ewan ko kung pinsan ng lolo ko o pinsan ng tatay ko) kong taga Bicol bilang kagawad ata noong nakaraang eleksyon. Nakapaghain sana siya ng tila maganda namang programa: pagpapaaral. Konkreto kung paano papairalin. Hinanapan siya ng tao ng pera. Wala siyang naibigay. Sa halagang isandaang piso, ipinagbili ng mga taong iyon ang edukasyon ng kanilang mga anak sa loob ng tatlong taon.

Gusto ng Pilipino ng biglaang solusyon. Tulad ng nangyari sa tiyuhin ko sa Bicol, hindi pinakinggan ng tao ang pangako ng magandang buhay bagama't konkreto ito. Mas ninais nila ang maliit na halaga kaysa ang magandang hinaharap. Makikita rin ito sa pila ng Lotto araw araw.

Ano ba ang pagkakamali ng unang EDSA na hindi naiwasan ng ikalawa? Ang masyadong pag-asa ng mga mamamayan sa napili nila. Tinanggal nila ang kinamumuhian nila at ito na ang tinagurian nilang tagumpay. Nawawala na sa mga mamamayan ang apoy ng pagnanais ng pagbabago.

Pagod na rin ako sa mga rally, sa mga tulak sa EDSA sa tuwing mei katiwaliang nangyayari, at sa mga pagpsapaikot ng kwento ng akusadong gobyerno. Hindi ako tanga, ayokong magpakatanga.

Nagtitipon nanaman ang mga tao ngayon. Nawa'y maintindihan nila na hindi ang pagpapalit ng gobyerno at namumuno rito ang solusyon sa problema. Nawa'y hindi lang ang pagkamuhi sa gobyerno ang nagtutulak sa mga tao upang kumilos ngayon. Kung pagkamuhi kasi ang nagtutulak sa tao, pag nawala na ang dahilan ng kanilang pagkamuhi ay titigil na lang sila. Ito mismo ang naging pagkakamali ng dalawang malawakang rebolusyon sa EDSA.

Pakikipag-kapwa tao. Sana ito ang isinasaisip ng mga tao upang makamit ang pagbabago.  Dahil hangga't malasakit sa kapwa ang nagtutulak sa tao at hindi pagkamuhi, hangga't mei naghihirap sa bansa ay patuloy ang kalbaryo ng mamamayan. Kung maipunla ito sa isip ng mamamayan, marahil ito na talaga ang tunay na daan sa pagkakakamit natin ng tagumpay.

3 comments:

  1. i agree. wala kasing sufficient follow through. matapos ang trabaho, inisip na lang ng mga tao na maaayos na ang lahat ng kusa. gagalaw na lang uli pag malaki na naman yung problema.

    ReplyDelete
  2. tama... yun ang sakit ng pinoy... hehehe!!

    we must change our perspectives...

    we must build up and not tear down...

    seeking justice and not self-righteousness

    ReplyDelete